Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagpapalawig ng validity ng ilang bahagi ng 2019 national budget hanggang sa susunod na taon.
Sa botong 199 yes at zero sa no, inaprubahan ng Kamara ang joint resolution 19 na nag e extend sa availability ng funds para sa MOOE o Maintenance and Other Operating Expenses at capital outlays sa ilalim ng 2019 budget hanggang December 31, 2020.
Ayon sa resolusyon, ang nabinbing pag apruba sa 2019 General Appropriations Act at election ban ay naging dahilan kaya’t na delay ang pagpapatupad ng infrastructure projects at basic social services.
Binigyang diin ni House Majority Floor Leader Martin Romualdez na kailangang mapalawig ang bahagi ng 2019 budget para matiyak ang pondo para sa ilang national projects sa ilalim ng appropriations ngayong taon na magpapatuloy hanggang 2020.