Bagama’t nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong ‘Quiel’, patuloy namang magpapaulan ang buntot ng cold front sa hilagang bahagi ng Luzon.
Ayon sa PAGASA, mararanasan pa rin ang mahina hanggang malakas na ulan sa northern at southern Isabela, Quirino, northern at southern Aurora, Nueva Vizcaya.
Mahina hanggang katamtaman naman na buhos ng ulan ang iiral sa ilang bahagi ng Northern Isabela at maging sa Mountain Province, Pangasinan, at Kalinga.
Pinapayuhan naman ang publiko na mag-ingat sa mga posibleng flashfloods, landslides, at rockslides lalo na ang mga nakatira sa mga matataas o bulubunduking lugar.
PAGASA, nagpalabas ng flood advisory
Nagbabala ang PAGASA kaugnay sa posibleng pagbaha sa mga rehiyon ng Central Luzon, Calabarzon, Cordillera, Ilocos at Cagayan Valley.
Ayon sa PAGASA, ito ay bunsod ng umiiral na tail-end of a cold front na nakaka-apekto sa bahagi ng Northern Luzon.
Batay sa ipinalabas ng flood advisory ng PAGASA, maaaring bahain ang mga lugar ng Quezon, Apayao, Abra, Kalinga, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Cagayan at Isabela.
Samantala, pinapayuhan rin ang mga residenteng nakatira sa gilid ng bundok o sa mga mababang lugar na maging handa sa posibleng pagbaha. (Contributor : Lyn Legarteja)