Itinigil na ang rescue and retrieval operation sa lalawigan ng Cagayan matapos ang pananalasa ng bagyong ‘Quiel’ sa lugar.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, patuloy na humuhupa ang baha sa ilang mga barangay at nadadaanan na ang lahat ng national roads.
Aniya, umapaw ang Abulug River sa Apayao kaya’t matinding binaha ang mga barangay sa hilagang kanlurang bahagi ng lalawigan.
“Ang naging problema po namin is yung northern towns namin and yung Abulug River po. Galing ho sa Apayao at Abra ho kasi yun. Doon po ang talagang lumaki. Yan ho ang nag cause ng flooding in most of our towns sa North Western Cagayan,” ani Mamba.
Sa ngayon, apat katao ang nasawi samantalang isa ang pinaghahanap ng mga otoridad.
“Ang reported po as of this time is apat po ang casualty namin, 2 drowning, mga bata and then meron din pong namatay sa small erosion and meron pong namatay dito sa electrocution, sa drowning naman po yung hindi pa nakikita yung bangkay,” ani Mamba — sa panayam ng Todong Nationwide Talakayan