Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na wala siyang naging pahayag na bawal magdala ng baril ang mga pulis sa mga ikinakasa nilang operasyon kontra iligal na droga.
Reaksyon ito ni Robredo na ngayo’y Co-chair na ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) kasunod ng kumakalat na viral post sa social media na aniya’y isang fake news.
Ayon kay Robredo, alam naman niya ang peligrong hatid ng pagsabak sa mga operasyon kaya’t imposible namang ipagbawal ang pagdadala ng armas ng mga awtoridad.
Samantala, muling tiniyak ni Robredo na handa siyang humarap muli sa pagpupulong ng gabinete sa sandaling ipag-utos na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, sinabi ni Robredo na kahit wala pa aniya ang pagpupulong ay nagsimula na siyang magtrabaho at direkta siyang mag-uulat sa pangulo bilang bahagi ng kaniyang mandato.