Muling hihilingin ng Commission on Human Rights (CHR) na magkaroon ng access at ng kopya ng mga dokumento hinggil sa madugong kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Kasunod na rin ito ng pagkakatalaga at pagtanggap ni Vice President Leni Robredo bilang Co-chairman ng Inter Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay CHR chairman Chito Gascon, magmula nang magsimula ang war on drugs campaign ng pamahalaan, humihingi na sila ng kopya ng dokumento hinggil sa kaso ng mga nasawi sa ilalim ng anti drug operations ng pulisya.
Gayunman, palagi aniya tinatanggihan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kahilingan.
Binigyang diin ni Gascon, ngayong isa na si Robredo sa mga pinuno ng ICAD, muli nilang hihilinging makakuha ng kopya ng impormasyon hinggil sa war on drugs para na rin sa hirit na transparency.