Tinabla ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang panukalang muling palawigin pag-iral ng martial law sa Mindanao sa ika-apat pagkakataon.
Ayon kay Lorenzana, sa kasalukuyan ay kanila pang hinihintay ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa usapin.
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na kung siya ang tatanungin ay hindi niya na irerekomenda pang magkaroon ng panibagong extension ng batas militar sa Mindanao.
Naniniwala si Lorenzana na kakayanin na ng pamahalaan na tugunan ang problema sa terorismo nang hindi nagdedeklara ng martial law.
Kinakailangan lang aniyang ipasa ng Kongreso ang panukala hinggil sa Human Security Act para mas mabigyan ng ngipin ang pamahalaan.
Magugunitang unang isinailalim sa martial law ang Mindanao noong Mayo 2017 dahil sa pagkubkob ng Maute ISIS group sa Marawi at tatlong beses na pinaliwig hanggang katapusan ng 2019.