Nakipagpulong ang Bise Presidente Leni Robredo sa mga opisyal ng United States (US) kaugnay sa kung papaano mababawasan ang demand ng ilegal na droga sa Pilipinas, ngayong araw ng Miyerkules.
Ito’y makaraang hilingin ni Robredo ang naturang pagpupulong bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) ng pamahalaan.
Ayon sa pahayag ng US Embassy, kabilang sa mga dumalo sa nabanggit na pagpupulong ang mga kinatawan ng US Federal Bureau of Investigation, Drug Enforcement Agency, Department of State, at United States Agency for International Development.
Dagdag pa ng embahada, nagbigay ng briefing ang mga opisyal ng US hinggil sa kanilang mga programa na posibleng ma-asistihan ang mga hakbang ng gobyerno ng Pilipinas sa pagpapababa ng drug demand.
Magugunitang una ng sinabi ni Robredo na plano niyang humingi ng tulong mula sa US Embassy kung papaano pa mapapaigting ang kampanya kontra ilegal na droga ng Pilipinas at mapanagot ang mga big-time drug syndicates.
Una na ring nakipagpulong si Robredo sa mga kinatawan ng UN Office on Drugs and Crime (UNODC) kaugnay din sa problema sa ilegal na dorga.
Samantala, isa si Robredo sa kritiko ng kampanya kontra ilegal na droga ng Administrasyon Duterte.