Hinikayat ni Senador Ralph Recto ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsanib puwersa para protektahan ang bansa laban sa patuloy na pagpasok ng Chinese entities sa bansa lalo na sa mga ahensyang may kinalaman sa seguridad.
Tinukoy ni Recto ang 40 percent share ng State Grid Corporation of China sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP at ang paglalagay ng towers ng Dito Telecommunity Corporation sa loob ng mga kampo militar.
Ayon kay Recto, sa ngayon ang buong kuryente sa Pilipinas ay pinatatakbo ng State Grid of China at lahat ng instructions na nakasulat sa mga equipment ay salitang intsik.
Hindi anya ito naiintindihan ng mga Pilipino kaya’t mayroong panganib na kaya itong patayin ng China sa pamamagitan ng remote control.
Sinabi ni Recto na napag alaman niyang plano rin ng China Telecom na gamitin ang NCGP wires para sa kanilang middle mile telecommunication.
Ang China Telecom ay partner ng Dito Telecommunity Corporation, ang deklaradong ikatlong telco sa bansa na nagbabalak namang maglagay ng tower sa loob ng military camps.