Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbaba na ng presyo ng regular milled rice sa mga pamilihan.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, may mabibili nang regular milled rice sa presyong 28 hanggang 32 pesos ang kilo.
Sinabi ni Lopez na unti unti na ring nakikita ang magandang epekto ng Rice Tariffication Law.
Una nang napaulat na naungusan na ng Pilipinas ang China sa dami ng inimport na bigas ngayong taon.
“Ang regular rice, mababa na. Nasa 32 pesos. Mahal na yung 34 pesos but may 28 pesos pa kong nakita before na 28 to 32 pesos range yung regular rice. At least may options tao,” ani Lopez.
Samantala, pinayagan na ng pamahalaan na makapag import ng sarili nilang bigas ang mga fast food at maliliit na groceries para sa kanilang sariling konsumo o paninda.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, ang Philippine International Trading Corporation (PITC) ang mag i-import para sa mga fast food at groceries para makakuha ng volume discount.
Sisimulan muna anya ito sa isang container subalit posibleng umabot sa 300 containers sa hinaharap.
“PITC can consolidate ang integrate and import for them so they get volume discounts. Si PITC will not make money, it’s just a management fee para mas maraming murang rice para sa mga consumers, sa mga kumakain sa labas, it’s a free market eh but ang ating ratio naman it’s more on the local farmers diba? 98 percent if I’am not mistaken are locally sourced,” ani Lopez.