Kinontra ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pahayag ni Vice President Leni Robredo na karamihan sa mga pumapasok na iligal na droga sa bansa ay nagmula sa China.
Ayon kay PDEA Chief Director General Aaron Aquino, nuon ay nagmula nga sa China ang maraming iligal na droga ngunit ngayon ay mula na sa Golden Triangle o sa isang rehiyon na pagitan ng Thailand, Laos at Myanmar.
Aniya, ang cocaine ay pangunahin pa ring nagmumula sa South American countries kabilang ang Columbia at Peru habang ang ecstacy ay mula naman sa Netherlands at ilang European countries.
Sinabi pa ni Aquino na posibleng may source ng impormasyon ang bise pangulo nang sabihin nito na nanggaling sa China ang maraming iligal na droga sa bansa dahil walang ganitong impormasyon ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).