Nagpaliwanag ang Palasyo sa hindi pagbibigay ng cabinet rank ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo matapos itong italagang co-chair ng Inter agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Ipinabatid ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang mga missteps o maling diskarte ni Robredo ang naging dahilan ng pangulo kaya’t hindi ito binigyan ng cabinet rank.
Tinukoy ni Panelo ang pakikipag pulong ni Robredo sa mga dayuhang personalidad at foreign institutions na mayroon nang panghuhusga na nauwi na umano sa extra judicial killings ang war on drugs ni Pangulong Duterte.
Sinabi pa ni Panelo na maling diskarte rin ang ginawa ni Robredo nang mag demand ng unlimited access sa mga classified information na hindi naman ibinibigay kahit kanino o maging sa cabinet members.
Ayon pa kay Panelo, para kay Pangulong Duterte, napaka delikadong mahawakan ni Robredo ang mga sensitibong dokumento lalo pa at may tendency itong magbahagi sa iba ng mga impormasyong hindi dapat naipapakalat dahil posibleng mabulilyaso ang operasyon ng mga otoridad.
Naniniwala aniya ang pangulo na masisira ang diskarte ng gobyerno kung mailalantad at mababasa ng drug syndicates ang bawat kilos ng PNP at PDEA hinggil sa anti-drugs war ng pamahalaan.