Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa Pangulong Rodrigo Duterte na humingi ng ‘special powers’ upang matulungan ang mga magsasakang apektado ng rice tariffication law.
Ang pahingi ng special powers ay isa sa 3 option na inirekomenda ni Salceda para maibsan ang negatibong epekto ng nasabing batas sa mga magsasaka.
Ayon kay Salceda u-ubra ring ipilit ng gobyerno ang Republic Act 8800 o ang safeguards law para maipatupad ang 30 hanggang 80 percent na buwis sa mga imported na bigas na mahigit sa 300 at 50,000 metriko tonelada.
Ikatlong option aniya ng gobyerno para matulungan ang local farmers ay pagbibigay ng pondo sa mga mahihirap at maliliit na magsasaka at pagpapautang sa malalaking rice farmers.
Nasa tinatayang 2.1M magsasaka ang makikinabang sa benepisyong ito.
Tinukoy naman ni Salceda na ang biglang pagtaas ng volume ng imported rice sa bansa na sinabayan din ng mataas na ani bunsod ng harvest season ang dahilan sa biglang pagkalugi at pagbaba ng presyo ng palay na binibili sa mga magsasaka.