Punong-puno ang schedule ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) – Republic of Korea Commemorative Summit na gaganapin sa Busan, South Korea sa November 25 at 26.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Junever Mahilum-West, kabilang sa mga magiging aktibidad ng pangulo ang bilateral meeting kay South Korean President Moon Jae In kung saan inaasahang malalagdaan ng dalawang lider ang ilang kasunduan.
Habang sa main event ng summit sa November 26, dalawang session ang dadaluhan ng pangulo kung saan tatalakayin ang ika-30 taong kooperasyon ng ASEAN at South Korea gayundin ang usaping may kaugnayan sa connectivity.
Dagdag ni Mahilum-West, may mganakatakda ring sidelight activities ang pangulo kaya hindi pa matiyak kung makakaharap nito ang Filipino community sa Busan.