Tutol si Senate Committee on Agriculture and Food Chair Cynthia Villar sa panukalang itaas ng hanggang 20 pesos ang farm gate price sa palay.
Ito’y bilang tugon sa panawagan ng mga magsasaka para magbigay ginhawa umano sa kanila sa epektong dulot ng pagsasabatas ng Rice Tarrification Law.
Sa panayam ng DWIZ kay Villar, sinabi nito na hindi naman makatuwiran kung tataasan ang presyo ng bibilhing palay sa mga magsasaka gayung mababa lang ang puhunan nila rito.
Kung tutuusin ani Villar, matatag na ang presyo at kalidad ng bigas sa merkado na pinatunayan ng mabagal na inflation rate.
Ang problema lang aniya, mayroong cartel ng bigas na siyang nagpapahirap ngayon sa mga maliliit na magsasaka.
“Eh hindi naman kailangan tumaas pag mababa ang cost nila, tutubo na sila kahit mababa ang bili sa kanila. Eh sa cost of producing (….) maipagbibili nila ng mas mura,” ani Villar. — Sa panayam ng Balitang 882 at Usapang Senado