Isinusulong ni Senador Panfilo Lacson ang pagbabalik sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) bilang core subject sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas.
Batay sa Senate Bill 1185 (Good Manners and Right Conduct Act of 2019) ni Lacson, muling ituturo sa mga bagong henerasyon ng mga Pilipino ang respeto, paggalang, at iba pang magagandang asal sa mga batang mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Ayon kay Lacson, mahalagang muling maibalik ang subject na GMRC ngayong nakikita na ang epekto ng modernong teknolohiya sa pakikipag-kapwa tao at pag-uugali ng mga kabataan.
Sa ilalim ng GMRC subject, itatanim sa isipan ng mga batang mag-aaral ang konsepto at kahalagahan ng human dignity, respeto sa sarili at kapwa, pagmamalasakit, disiplina at kaayusan, integridad, katapatan, pagiging masunurin at makabayan.
Ibabatay ang metodolohiya sa pagtuturo ng GMRC sa aktuwal na sitwasyon at pangyayari sa halip na konsepto lamang sa mga libro.