Umani ng papuri mula sa ibat-ibang mga bansa sa mundo ang matagumpay at makatindig balahibong pagbubukas ng 30th Southeast Asian (SEA) Games kagabi, Nobyembre 30.
Makikita at mababasa sa mga post sa social media ang labis na pagkamangha ng mga nakapanood at nakasaksi sa pang-world class na opening ng SEA Games na ginanap sa Philippine Arena.
Labis pang hinangaan ng mga manonood ang performance ng mga kilalang pilipinong mang-aawit ng bansa.
Kasama sa mga kumanta pormal na pagbubukas ng patimpalak sina KZ Tandingan, Elmo Magalona, Iñigo Pascual, Christian Bautista, Anna Fegi, Jed Madela, Aicelle Santos, Robert Sena, TNT Boys, at Lani Misalucha.
Hindi naman napigil ng mga nanood ng personal sa Philippine Arena ang mapaindak at sumabay sa pagkanta ng mga local artist.
Maging si Pang. Rodrigo Duterte at Brunei Sultan Hassanal Bolkiah na dumalo rin SEA Games opening ay di rin napigilang umindak at sumayaw sa saliw ng awiting ‘Manila.’
Itinuturing naman ng organizers na pinakamalaking produksyon sa kasaysayan ng SEA Games opening ceremony kungsaan ito rin ang kauna-unahang ginanap sa indoor venue ang pagbubukas ng palaro.
May tema namang “Ugat ng Ating Lakas” ang naging pambungad na mga sayaw, na ipinapamalas ang kulturang Pinoy, partikular na ang indigenous cultures.
Ayon kay playwright na si Floy Quintos, kabilang dito ang mga sayaw mula sa mga Bagobo, Kalinga, at Pre-Hispanic Bisayans.