Sinang ayunan ng Malacañang ang puna ni Davao City Mayor Sara Duterte sa paggamit ng kantang ‘Manila’ sa parada ng mga atleta sa pagbubukas ng Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, maaaring tama naman ang obserbasyon ni Mayor Sara na dapat may inclusivity dahil ang titulo ng kanta ay Manila.
Dahil dito, iminungkahi ni Panelo sa mga composers na gumawa ng kanta kung saan kasama ang Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa kabila nito, sinabi ni Panelo na hindi maikakaila na nagustuhan ng audience ang ginamit na kanta sa parada ng mga atleta at sa katunayan, nangunguna pa ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsayaw.
Una nang sinabi ni Dennis Garcia, isa sa mga lumikha ng kantang ‘Manila’ na hindi naman nila inisip kung sila ay tagalog, bisaya, o ilocano nuong isulat nila ang kanta bagkus ay bilang mga Pilipino na nangungulila sa Pilipinas.
Una nang kinuwestyon ni Mayor Sara sa kanyang instagram post ang paggamit ng kantang ‘Manila’ gayung bandila ng Pilipinas ang dala ng mga atleta.