Nahaharap sa patong patong na kaso ang isang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) matapos nitong pagsisigawan at pagmumurahin ang mga pulis na nagbabantay sa isang football venue ng SEA games sa Biñan City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Danilo Mendoza, hepe ng Biñan Philippine National police (PNP), dumating sa football stadium ang PHISGOC official na si Mark Nikolai Villamora nuong Nobyembre 25 kasama ang may 80 kabataan na walang I.D.
Nanindigan umano ang mga pulis na bawal magpapasok ng walang I.D. kayat pinagsisigawan sila at pinagmumura ni Villamora, sabay giit ng kanyang kapangyarihan bilang in charge sa palaro.
Naulit pa umano ang insidente nuong Nobyembre 29 nang harangin at palayasin ni Villamora ang mga pulis na nagsasagawa ng inspection sa mga pumapasok sa football venue.
Dito na nagpasya ang Biñan PNP na sampahan ng dalawang kaso ng oral defamation at dalawang kaso ng unjust vexation si Villamora —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).