Nagsimula nang magsibalikan sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residente sa Cebu na inilikas dahil sa bagyong Tisoy.
Ayon kay Rhee Telen Jr., Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Division, umabot sa halos 1,500 pamilya o katumbas ng mahigit 7,000 indibiduwal ang isinailim sa pre-emptive evacuation.
Gayunman, nagsimula na rin aniyang magbalikan ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay matapos tanggalin na ng PAGASA ang storm signal sa Cebu.
Dagdag ni Telen, unti-unti na rin aniyang humuhupa ang nararanasang sama ng panahon sa lalawigan.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pang napapaulat na idinulot na pinsala sa lalawigan ang bagyong Tisoy sa kabila ng pagsasailalim sa signal number 2 at 1 ng Cebu.