Matumal na ang bentahan ng isdang galunggong sa Bulungan fish market sa Parañaque City bunsod na rin ng mahal na presyo nito.
Batay sa monitoring ng DWIZ, naglalaro na sa 240 hanggang 260 ang kada kilo ng lalaking galunggong.
Ayon sa ilang tindera ng isda sa lugar, kulang umano sa suplay ng galunggong kaya’t hirap silang ibenta ito lalo’t dumoble na ang presyo.
Maliban sa galunggong, tumaas na rin ang presyo ng ilang isdang bato o isdang dagat gayundin ng mga isdang tabang.
Nasa 10 hanggang 15 pesos ang itinaas ng kada kilo ng tilapia na naglalaro na sa 95 hanggang 100 pesos mula sa dating 80 hanggang 85.
Habang naglalaro na sa 140 hanggang 170 pesos ang kada kilo ng bangus mula sa dating 135 hanggang 160 pesos ang kada kilo.
Ang matambaka na mula sa dating 120 pesos ang kada kilo, ngayon ay naglalaro na sa 150 hanggang 180 pesos ang kada kilo.
Mula sa dating 100 piso kada kilo, umakyat na sa 160 pesos ang kada kilo ng dalagang bukid habang ang hipon naman ay nagsara na sa 400 pesos ang kada kilo mula sa dating 360 pesos.