Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ligtas ang mga gamot sa sakit na diabetes sa Pilipinas.
Kasunod na rin ito ng pagrecall sa ilang partikular na brand ng gamot ng metformin sa Singapore at sa Amerika na una nang nagsabing ilang brands ng gamot sa diabetes na metformin ang kanilang iniimbestigahan.
Ito, ayon sa U.S. Food and Drug Administration, ay dahil sa posibilidad nang pagtataglay ng carcinogen N-Nitrosodimethylamine (NDMA).
Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) na wala sa Pilipinas ang mga brand ng metformin na nirecall sa Singapore at U.S.
Ligtas aniya ang lahat ng metformin brands na ibinibenta sa Pilipinas.
Tiniyak din ni Domingo na nakikipag-ugnayan ang FDA sa mga counterpart nito sa iba pang bahagi ng mundo.