Mas marami pang mga dapat na abangan ang mga Pilipino sa taong 2020.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo kasunod ng inilabas na resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing 93% ng mga Pilipino ang naniniwalang may magandang mangyayari sa kanilang buhay sa taong 2020, habang 7% lamang ang undecided.
Ayon kay Panelo, patunay lamang ito na ramdam ng publiko ang mga ginagawang pagsisikap ng Duterte administration upang mas mapababa pa ang porsyento ng kahirapan sa ating bansa, na hindi aniya maitatanggi ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Base aniya sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 16.6% ang poverty rate ng Pilipinas noong nakalipas na taon mula sa 23.3% noong 2015.
Pahayag ni Panelo, nangangahulugan ito na 5.9 million ng mga Pilipino ang naiahon sa labis na kahirapan.
Magsisilbi naman aniyang “exemplary year” o ehemplo ang taong 2019 para sa mga mas magaganda pang mangyayari sa bansa sa susunod na taon.