Nagbabadyang maging masabaw ang pasko ng mga taga-Mindanao dahil sa binabantayang bagyo ng PAGASA na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Batay sa pinakahuling datos mula sa PAGASA, huling namataan ang bagyong may international name na ‘Phanfone’ sa layong 1,365 kilometro silangan ng Mindanao.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro mula sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 80 kilometro bawat oras.
Ayon sa PAGASA, sakaling makapasok na ang naturang bagyo, papangalanan itong Ursula at magpapaulan sa Mindanao bukas ng gabi o Martes ng umaga.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na natunaw na ang isa pang Low Pressure Area (LPA) na kanilang binabantayan.