Dalawang teroristang grupo ang pinaghihinalaang may kagagawan sa magkakasunod na insidente ng pagsabog sa Cotabato at Maguindanao.
Ayon sa Western Mindanao Command (WESTMINCOM), posibleng ang terrorist groups na Dawlah Islamiyah at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang nasa likod ng mga pag-atake.
Ito ay batay na rin anila sa kapasidad at interes ng dalawang grupo na gawin ang pagpapasabog.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine Army, sakay ng motorsiklo ang mga salarin sa pagtatapon ng granada sa mga sundalong pababa ng army truck sa harapan ng Our Mother Of Perpetual Cathedral sa Cotabato City.
Sinundan pa ito ng pamamaril ng mga salarin kung saan siyam na sibilyan at 11 sundalo ang nasugatan.
Nangyari naman ang ikalawang pagsabog sa bahagi ng Pedro Colina Hill sa Barangay Rosary Heights 1 kung saan isa ang nasugatan.
Anim naman ang sugatan sa ikatlong sunod na pagsabog na nangyari naman sa Libungan, North Cotabato na sinundan ng isa pang pambobomba sa Sitio Tekwa National Highway, Bayan ng North Upi sa Maguindanao.