Napanatili ng Bagyong ‘Ursula’ ang lakas nito habang patuloy na kumikilos papalayo ng Luzon.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang alas-10 ng gabi sa layong 315 kilometers, kanluran timog-kanluran ng Subic, Zambales.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 150 kph.
Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 10 kph.
Samantala, hindi na nagdudulot ng mga pag-ulan ang Bagyong ‘Ursula’ sa alinmang bahagi ng bansa.
Wala na ring lugar na nakasailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal.
Gayunman, magdadala naman ng mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan na may kasamang pabugso-bugsong malalakas na pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora at Quezon dahil naman sa daluyong na dulot ng northeast monsoon at tail-end ng cold front.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga naturang lugar na mag-ingat dahil sa posibleng maranasang pagbaha o pagguho ng lupa.
Samantala, magiging mapanganib namang pumalaot sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa bahagi ng northern at western seaboards ng Northern Luzon dahil sa maalon na karagatan.
Inaasahan namang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong ‘Ursula’ sa Sabado, ika-28 ng Disyembre ng umaga.