Isinailalim na rin sa state of calamity ang munisipalidad ng Medellin sa probinsiya ng Cebu matapos matinding maapektuhan ng bagyong Ursula.
Batay sa ulat, pumalo na sa mahigit P41-M ang kabuuang halaga ng pinsala ng bagyong Ursula sa munisipalidad ng Medellin.
Inaasahang mas tataas pa ang nasabing pagtaya oras na matapos na ang isinasagawang validation at pagkuha ng impormasyon mula sa apat pang barangay sa nabanggit na munisipalidad.
Nasa kabuuan namang 3,051 pamilya o katumbas ng mahigit 15,000 indibiduwal ang naapektuhan ng bagyong Ursula sa Medellin.
Una na ring idineklara ang state of calamity sa Daanbantayan na isa ring bayan sa probinsiya ng Cebu na matinding nasalanta ng bagyo kung saan nasa mahigit P25-M ang halaga ng tinamong pinsala ng nabanggit na lugar.