Handang tumulong ang National Power Corporation (NAPOCOR) upang maayos ang problema sa kuryente sa Camotes Islands sa Cebu.
Nabatid na lumagda na ang NAPOCOR sa isang deed of usufruct kasama ang Cebu Provincial Government na naglalayong maresolba ang mga lumang linya ng kuryente sa isla.
Noong nakaraang buwan ay nakita mismo ni Cebu Governor Gwen Garcia ang sitwasyon sa Camotes kaya’t nanawagan ito sa NAPOCOR at sa Camotes Electric Cooperative (CELCO) na gawing episyente ang suplay ng elektrisidad sa lugar.
Ayon kay NAPOCOR President Pio Benavidez, hihintayin muna nila ang ipapasang resolusyon ng Cebu Provincial Board upang masimulan na nila ang pag-aaral sa power situation sa naturang isla.