Nanindigan ang Malacañang na walang intensyon ang militar na lokohin o linlangin ang publiko.
Ito’y makaraang mag viral sa social media ang isang umano’y photoshopped na larawan na nagpapakita ng mga sumukong rebelde sa Masbate kamakailan.
Ayon kay Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo, nagkausap na sila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana hinggil dito.
Batay sa paliwanag ni Lorenzana, sinabi ni Panelo na pinagsama lamang ng militar ang dalawang larawan na pawang authentic naman.
Magugunitang humingi ng paumanhin sa publiko si Maj. Ricky Aguilar ng 9th Infantry Division ng Philippine Army na siyang nagpalabas ng umano’y edited na larawan.
Una rito, umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa mga netizen ang nasabing larawan dahil sa anila’y hindi maayos na pagkaka edit nito.