Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita sa ika-123 anibersaryo ng kamatayan at kabayanihan ni Dr. Jose Rizal sa Rizal Park sa Davao City, ngayong Lunes, ika-30 ng Disyembre.
Bilang bahagi ng program, nag-alay ng bulaklak ang pangulo sa bantayog ng pambansang bayani na si Rizal.
Kasama namang dumalo ni Pangulong Duterte sa nabanggit na okasyon sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Noel Clement, Presidential Daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Presidential Son Davao City Vice Mayor Sebastian Duterte at Senador Christopher “Bong” Go.
Sumentro ang pagdiriwang ngayong taon sa temang, Jose Rizal: Huwaran ng Pilipino sa ika-21 Siglo.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi dadalo sa commemorative rites para kay Rizal si Pangulong Duterte dahil mas nais umano nitong bigyang pagkilala ang bayaning si General Gregorio Del Pilar.