Mariing kinondena ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panibagong kaso ng pagkamatay ng isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, labis nilang ikinalulungkot at ikinagagalit ang pagkasawi ng pinay na kinilalang si Jeanelyn Padernal Villavende sa kamay ng kanyang Kuwaiti employer.
Sinabi ni Bello, malinaw na paglabag sa nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at Kuwait kaugnay ng pagbibigay proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga OFW’s ang nabanggit na insidente.
Kaugnay nito, hinimok ni Bello ang mga awtoridad sa Kuwait na agad resolbahin at bigyang hustisya ang pagkamatay ng household service worker na si Villavende.
Tiniyak naman ni Bello na bibigyang ayuda ang naiwang pamilya ng nasawi OFW tulad ng pagpapalibing sa biktima, pangkabuhayan at scholarship assistance.