Hinimok ng pamahalaan ang mga Pilipino sa Libya na lumikas at magtungo na sa mga ligtas na lugar para hindi maipit sa nangyayaring kaguluhan at bakbakan doon.
Kasunod na rin ito ng pagkakasagip ng embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa 8 Filipino nurse na nagtatrabaho sa isang klinika na malapit sa matitinding bakbakan.
Batay sa abiso ng Philippine Embassy, kanila nang agarang pinalilikas ang mga Pilipino na nasa lugar malapit sa armadong labanan para maiwasang maipit dito.
Dagdag ng embahada, nakahanda rin silang magbigay ng ayuda o pansamantalang matutuluyan para sa mga magsisilikas na Pilipino gayundin sa mga nais nang umuwi pabalik ng Pilipinas.
Una nang natulungang lumikas ng Philippine Embassy sa Tripoli ang nasa 20 Pilipino sa Salahuddin District habang nasa 149 naman ang narepatriate noong nakaraang taon.