Arestado ang 6 na Chinese National at isang Pilipino sa magkakahiwalay na insidente ng Kidnapping sa mga Tsino sa Makati City.
Unang iniharap ang biktimang si Chen Liyong, beinte sais anyos at Empleyado ng isang POGO sa ilalim ng Yong Cheng Premier Corporation sa Theater Drive, Brgy. Carmona.
Disyembre 20 nuong isang taon nang mapaulat na dukutin si Chen ng suspek na kinilalang si Yang Zhen kasama ang guwardyang kinilala na si Sergio Busuego Jr.
Ikinulong si Chen sa sarili nitong opisina kung saan, tinawagan ng suspek ang pamilya ng biktima para humingi ng ransom na nagkakahalaga ng 50,000 RMB o katumbas ng mahigit P300,000.
Ganito rin ang nangyari sa Taiwanese National na si Shih Su Yuan, 36 anyos na dinukot ng 5 Tsino sa Camino St. Guadalupe, Makati dakong 1 p.m. ng Huwebes, Enero 2.
Ayon kay Pol. Lt. C. Dexter Versola ng PNP Anti-Kidnapping Group, nakatanggap sila ng tawag mula sa TECO o Taiwan Economic and Cultural Office hinggil sa nangyari kay Shih.
Dahil dito, agad nagkasa ng operasyon ang AKG na nagresulta sa pagkakasagip ng biktima at napigilan ang tangkang paghingi ng pera ng mga Suspek sa pamilya nito na nakabase rin sa China.
Kasalukuyang nasa PNP General Hospital sa Camp Crame ang biktimang si Shih dahil sa nakaranas ito ng pagsusuka ng dugo sanhi ng ginawang pambubugbog sa kaniya ng mga suspek.