Makikipag-ugnayan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa iba’t-ibang komunidad para sa ikaaayos ng latag ng seguridad para sa Traslacion ng poong itim na Nazareno ng Quiapo sa Enero 9.
Ayon kay NCRPO Director P/BGen. Debold Sinas, tulad ng kanilang ginawa sa Sinulog Festival sa Cebu, target din nila ang maayos at matiwasay na daloy ng prusisyon.
Bukas, Enero 5 makikipagpulong ang NCRPO kasama ang mga organizer sa mga opisyal ng barangay sa Maynila para ipaliwanag ang mga pagbabago sa ruta gayundin sa sistema ng Traslacion.
Kagabi, nakipagpulong na si Sinas sa Muslim community sa Quiapo para kunin ang suporta nito sa isasagawang aktibidad.
Binigyang diin pa ni Sinas, tamang koordinasyon aniya ang kanilang naging formula kaya’t naging matagumpay ang Sinulog Festival sa Cebu noong siya’y Regional Director pa ng Central Visayas PNP.
Kaya’t umaasa rin si Sinas na magiging epektibo rin aniya ang kaniyang mga inilatag na sistema at plano rito sa Traslacion bagama’t malaki ang deprensya hinggil sa bilang ng mga deboto.