Hawak na ngayon ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Station 1 ang tatlong naarestong drug suspek.
Ito’y makaraang ikasa ng QCPD station 1 drug enforcement unit ang isang buy bust operations sa labas ng Sto. Domingo Church sa Quezon Avenue, Quezon City kaninang umaga.
Kinilala ang mga nadakip na sina Margarita Moreno alyas “Em” na siyang target ng operasyon gayundin ang mga kasabwat nito na sina Ronald Dellona at Remuel Gonzales.
Ayon kay QCPD station 1 Chief P/Col. Camlon Nasmodan, naaresto ang mga suspek matapos mabilhan ng isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nakuha mula sa mga ito ang 30 gramo ng shabu na nakasilid sa siyam na plastic sachet at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P200,000.
Gayundin ang isang kalibre 22 na baril, mga bala at cellphone na siyang ginagamit naman sa transaksyon.
Ikinakasa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002 at republic act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition laban sa mga naaresto.