Nananatiling mas mababa sa kinakailangang normal high level na 212 meters ang antas ng tubig sa Angat dam.
Ito ang inihayag ng National Water Resources Board (NWRB) sa kabila nang patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig Angat dam sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David, hindi pa rin sapat ang kasalukuyang antas ng tubig sa Angat dam para makabigay ng tuloy-tuloy na suplay sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Dahil dito, sinabi ni David na asahan pa rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng mababa o mahinang suplay gayundin ang pagpapatupad ng rotational water service interruption.
Binigyang diin pa ni David na kinakailangan ang pagbabawas sa suplay o pagpapatupad ng rotational service interruption para maiwasang sumadsad ang lebel ng tubig sa Angat.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PAGASA Hydrology Division kaninang alas sais ng umaga, nasa 204.05 meters ang antas ng tubig sa Angat dam na bahagyang mataas sa naitalang 203.69 meters kahapon.