Nagpaabot ng pakikiramay ang Malakanyang sa naiwang pamilya ng pumanaw na si Daily Tribune founder at dating Editor-in-Chief Ninez Cacho-Olivares.
Sa ipinalabas na pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kanyang sinabi na lubos na ikinalulungkot ng tanggapan ng Pangulo ang pagpanaw ni Cacho-Olivares.
Aniya, kilala si Cacho-Olivares sa mga matitinding pagbatikos at komentaryo nito laban sa kawalan ng kakahayan at korapsyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga walang takot na pamamahayag.
Ayon kay Panelo, maituturing na legendary o isang alamat ang pagiging epektibo at marubdob na paraan ng pagbabalita ni Cacho-Olivares.
Dagdag ni Panelo, isa rin si Cacho-Olivares sa mga kilalang tao na nagsilbing tanglaw at nagpaalab ng freedom of expression sa panahon ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng Marcos.