Sinimulan nang ipatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang ipinalabas na deployment ban ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga bagong hire na household service workers sa Kuwait.
Ayon sa Immigration, kanilang natanggap ang kopya ng resolusyon hinggil sa deployment ban galing Philippine Overseas Employment Administration (POEA) noong Enero 3.
Dahil dito, sinabi ng Immigration na tanging papayagan na lamang umalis patungong Kuwait ang mga Pilipino household service workers na nabigyan ng employment certificates hanggang Enero 3.
Kaugnay nito, binalaan ni Immigration Acting Port Operations Division Chief Grifton Medina ang mga ahensiyang magtatangka pa ring magpadala ng mga first time household workers sa Kuwait.
Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi kasama sa ipinatutupad na deployment ban ang mga balik manggagawang OFW’s at mga skilled workers na first time pa lamang magtutungo ng Kuwait.