Aminado ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nanatiling malaking hamon ang gyera kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay PNP officer-in-charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa, kahit kaliwa’t kanan kasi ang ginagawa nilang operasyon ay hindi pa rin maubos-ubos at nagkalat pa ang iligal na droga sa bansa.
Paliwanag ni Gamboa, bagamat problema pa rin sa lahat ng rehiyon ang iligal na droga, 5 rehiyon ang kanilang tinututukan.
Kabilang na dito ang Metro Manila, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Western Visayas, Central Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Dagdag pa ng opisyal, karamihan sa mga iligal na droga na nakakalat ngayon ay nagmumula sa mindanao.
Kaugnay naman nito, ipinag utos nya sa lahat ng regional director na magsumite ng top 10 hanggang top 20 drug suspects sa kanilang hurisdiksyon para madetermina ang magiging prayoridad nila sa anti-drugs operations —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9).