Humingi ng tawad ang pamunuan ng ride-hailing app na Angkas sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos nitong pagbantaan na ipaba-blacklist sila dahil sa mga nakitang paglabag sa pilot testing ng motorcycle-taxis.
Magugunitang nagbanta ang Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportaion (DOTr) na ipatatanggal ang Angkas dahil sa mga paglabag gaya ng pagpataw ng surge, usaping pagmamay-ari ng foreign firm at pagpapatakbo ng naturang ride-hailing app sa mga lugar na hindi kabilang sa guidelines.
Paliwanag naman ni Angkas Chief Transport Advocate George Royeca, nagpapataw sila ng surge price kapag rush hour o sa mga lugar na walang maraming biker –isa umano ito sa paraan para ma motivate sa daan ang mga biker.
Nangako rin ang Angkas na tatanggalin na nila ang kanilang operasyon sa mga lugar na hindi sakop ng ride-hailing app.
Kasabay nito itinanggi rin ng Angkas na sila ay pagmamay-ari ng mga dayuhan.