Muling ipinanawagan ni Senador Bong Go ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos Workers (OFWs).
Ito’y sa gitna na rin ng tumitinding tensyon sa Middle East gayundin ang paglitaw muli ng panibagong kaso ng OFW na nasawi matapos maabuso ng kaniyang amo sa ibang bansa.
Ayon kay Go, malaki ang maitutulong ng pagbuo ng Department of OFW na siyang magiging responsable sa pangangasiwa sa kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino sa ibayong dagat.
Giit ng senador, huwag na sanang hintayin pang dumami ang mga kaso ng OFW na naabuso o kaya ay ang magkaroon pa ng krisis sa mga bansang kinaroonan ng maraming Pilipino.
Kahit aniya nasa abroad ang ibang mga Pilipino, lalo na kung ang mga ito ay naghahanap buhay para sa kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas, marapat lamang umanong gawin ng pamahalaan ang tungkulin sa mga ito na pangalagaan ang kanilang kapakanan.