Ipatutupad na ng pamahalaan ang mas mahigpit na patakaran para sa pagkuha ng visa ng mga turistang Chinese na dumarating sa Pilipinas.
Ayon kay Justice Secretary Markk Perete, bahagi ito ng nirepasong probisyon sa umiiral na visa upon arrival policy sa bansa.
Layunin aniya nitong, matugunan ang nakitang butas sa panuntunan kung saan pumapasok ng Pilipinas ang mga Chinese National bilang turista at saka kukuha ng special working permit para makapagtrabaho.
Sinabi ni Perete, sa ilalim ng bagong panuntunan, kinakailangang makapagpakita ng round trip plane ticket ng Chinese National bago ito bigyan ng visa upon arrival para matiyak na hindi ito mag-oover stay sa bansa.
Epektibo lamang ang visa upon arrival sa loob ng 30 araw at ituturing na rin itong paso oras na umalis na ng Pilipinas ang turistang Chinese.
Maliban sa round trip tickets, kailangan ding ipakita ng isang Chinese National na papasok sa Pilipinas bilang turista ang itinerary nito, ipina-book na accommodation at accredited tour operator.
Epektibo ang bagong polisiya labing limang araw matapos itong mailathala sa pahayagan.