Depende umano sa sitwasyon ang pagsagip sa mga hayop sa mga lugar na apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Ito ang tugon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa panawagan ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na payagan silang sagipin ang mga hayop na nanganganib rin ang buhay dahil sa pag-putok ng bulkang Taal.
Ayon kay DILG spokesman Jonathan Malaya, posibleng mailigtas ang mga hayop na nasa mainland, ngunit magiging mahirap na ito kung sila ay nasa volcano island.
Kailangan din muna umanong aprubahan ang naturang hakbang ng mga lokal na opisyal bago payagan ang PETA na pasukin ang naturang isla.