Nagsisimula nang kumilos ang iba’t ibang kagawaran para sa gagawing rehabilitasyon at ilalagak na tulong sa mga apektadong lugar ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Gaya ng pagsusuri ng Bureau of Soils and Water Management sa abo at lupa na ibinuga ng bulkang Taal.
Ito anila ay para madetermina kung maaari bang tamnan ng mga agricultural crops ang mga lugar na nabalutan na ng volcanic ash.
Sinusuri na rin ng High Value Crop Development Program at Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture ang pinsala inabot ng mga pananim na kape, pinya, langka, saging, at iba pang halaman sa lugar.
Kasabay nito, ipinabatid ni DA-BPI Assistant Director Glenn Panganiban na mayroon na silang inihandang planting materials na ipapamahagi para sa rehabilitasyon.
Handa rin umano ang Philippine Coconut Authority na magbigay ng ayuda para makapagtanim uli ng mga niyog sa mga lugar na nabalot ng abo.
Makakaasa rin ng tulong mula sa Bureau of Animal Industry ang mga farm owners na maibangon ang industriya ng livestock sa rehiyon.