Hindi pinaboran ni Albay Representative Joey Salceda ang pag-iimbestiga ng Kamara sa Phivolcs kaugnay sa pagsabog ng bulkang Taal.
Ayon kay Salceda, hindi ito ang tamang panahon para magsagawa ng mga imbestigasyon dahil magiging sagabal lamang ito para matulungan ang mga residenteng apektado ng pag aaluburoto ng bulkang Taal.
Giit ni Salceda, ang dapat bigyan ng prayoridad ngayon ay ang paggawa ng hakbang para matulungan ang mga distrito na maibangon ang kanilang lugar sa oras na matapos na ang pag aalburoto ng bulkan.
Dagdag pa ng kongresista, hindi dapat pinagdududahan ang kakayahan ng mga otoridad dahil lahat ay apektado ng pinsalang dulot ng bulkan Taal.
Kasabay nito, muling ipinanawagan ng kongresista na madaliin ang pag apruba sa pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience.
Magugunitang ipinanukala ni Cavite Representative Elpidio Barzaga na imbestigahan ang Phivolcs dahil sa umano’y kakulangan ng pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa bulkang Taal.