Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Labor and Employment na total ban sa pagpapadala ng mga Pilipinong manggagagwa kabilang ang mga skilled worker sa Kuwait.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pasiya ng Pangulo ay kasunod ng tila tangka ng Kuwaiti Government na itago ang impormasyon hinggil sa pagkasawi ng Pinay household worker na si Jeanelyn Villavende.
Ito ay matapos naman aniyang lumabas sa isinagawang re-autopsy ng NBI kay Villavende kung saan lumabas na nakaranas ito ng seksuwal na pang-aabuso.
Iginiit naman ni Panelo na mananatiling epektibo ang total deployment ban sa Kuwait hangga’t hindi matitiyak ng Kuwait na kanilang ipatutupad ang lahat ng nakasaad sa nilagdaang labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa. — ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)