Nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging tapat ni Philippine National Police (PNP) Chief Lt. General Archie Francisco Gamboa.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na naging isang batayan ng pangulo sa pagtatalaga kay Gamboa bilang hepe ng PNP.
Ayon kay Panelo, katapatan at kakayahan sa trabaho ang dalawang pangunahing katangiang kabilang sa criteria ni Pangulong Duterte sa paghahanap ng bagong PNP Chief.
Gayunman, mas nangibabaw aniya ang katapatan dahil inaasahan na ang pagiging competent ng mga kabilang sa short list dahil bahagi ito ng kanilang trabaho.
Biyernes ng iaanunsyo ni Pangulong Duterte ang ganap na pagkakatalaga kay Gamboa bilang PNP Chief matapos tumayong Officer in Charge sa loob ng mahigit 3 buwan.