Tiwala ang Malakaniyang na good choice si Police Lt/Gen. Archie Francisco Gamboa para pamunuan ang hanay ng pambansang pulisya.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar makaraang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gamboa na pamunuan ang PNP kapalit ng nagretiro nang si P/Gen. Oscar Albayalde.
Ayon kay Andanar, naniniwala siya sa ipinakitang sinseridad ni Gamboa na linisin ang hanay ng pulisya mula sa mga scalawags at pursigido itong itayong muli ang imahe ng PNP sa publiko.
Magugunitang nabahiran ang pangalan ng PNP matapos masangkot sa isyu ng mga ninja cops si Albayalde dahil sa maanomalyang operasyon ng mga dati nitong tauhan sa Pampanga nuong 2013.
Of course kung sino po ang pinili ni Presidente, sa Phil. National Police as PNP Chief ay siya po ang karapat-dapat na maglingkod. To serve and protect, para malinis at linisin po ang imahe ng PNP—ani Sec. Andanar sa panayam ng Oh IZ sa DWIZ.