Inirekomenda ng Department of Transportation Inter-Agency Technical Working Group (DOTr-TWG) ang pagpapatigil sa isinasagawang pag-aaral para sa operasyon ng motorcycle-taxis.
Ayon kay TWG Chairperson at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Antonio Gardiola Jr., isinumite na nila ang nabanggit na rekomendasyon sa Kongreso, kaninang umaga.
Aniya, mismong pinaburan at inindorso ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagpapatigil sa pilot testing o programa para sa mga motorcycle-taxis.
Paliwanag ni Gardiola, isinaalang-alang nila sa naging pasiya ang makailang beses na pagsasampa ng kaso ng isa sa mga motorcycle hailing players.
Iginiit ni Gardiola, naaapektuhan ng patuloy na pagsasampa ng kaso ng nabanggit na motorcycle-hailing company ang ginagawa nilang pag-aaral kung saan hindi sila makabuo ng mga hakbang.
Dahil dito, maikukunsidera nang ilegal ang operasyon ng mga motorcycle-taxis na ipatutupad naman sa susunod na linggo.