Nailikas na ang halos lahat ng residente na sakop o nakapaloob sa 14-kilometer radius mula sa main crater o bunganga ng Bulkang Taal.
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa isang kaganapan sa Kampo Krame, ngayong Lunes, ika-20 ng Enero.
Ayon kay Año, batay sa kanilang pinakahuling tala ay nasa 98% na ng mga residente sa mga barangay na sakop ng 14-kilometer high risk danger zone ay nailikas na, habang patuloy namang inililikas ang nalalabi pang mga residente.
Magugunitang umapela si Año sa publiko na huwag na munang bumalik sa Taal Volcano Island habang mapanganib pa ang sitwasyon sa naturang isla.
Samantala, ayon sa PHIVOLCS, nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa bulkan dahil sa patuloy nitong pagbubuga ng abo mula sa bunganga nito.
Tinatayang nasa 200,000 indibiduwal na rin sa CALABARZON ang apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal, batay na rin sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).