Handa ang pamunuan ng SLEX na ilibre sa toll ang mga dadaang sasakyan na maghahatid ng tulong sa mga biktima ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Ito ang tugon ni Manny Bonoan, president at chief executive officer ng SLEX, sa gitna ng panawagan ng ilang mga grupo na naghatid ng tulong sa mga evacuees sa Batangas at Cavite na ilibre na sila sa toll.
Ayon kay Bonoan, kailangan lang aniya ng pormal na kahilingan mula sa magdadala ng mga tulong at sila ay handang magbibigay ng one day pass.
Ani Bonoan, ang pass na ito ay kanilang isusurender sa oras na makadaan na sa SLEX.
Magtatalaga aniya sila ng inspection area kaya’t asahan umano ang bahagyang pagpila rito.
Gayunman tiniyak ni Bonoan na magiging madali lang ang proseso.
Aniya, wala namang kukunin pang dokumento, hihingiin lang umano nila ang ilang detalye gaya plate number, saan ito galing at patungo.
Magugunitang nitong weekend ay nagkaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa Southbound ng SLEX matapos dumagsa ang mga magsasagawa ng relief operations sa mga lugar na apektado ng pag aalburoto ng bulkang Taal.